100% KATOLIKONG PINOY! BLOG
Abangan... magsusulat ulit tayo!

Pages

Saturday, March 7, 2009

Ale, Jesus Loves You Po

by Edward Culleng





Alas kwatro y mediya ang usapan. Maniningil na ako. Hindi ng buhay. Kung ng mga pinayb-siks na load ng aking mga kaibigan.

Takot akong mahuli sa usapan. Pero.




Alas singko bente otso na. Nasa dyip pa rin ako at nakapulasak ang puwet ko sa isang mainit na bahagi ng dyip. Nararamdaman ko ang adrenaline rush na kumakatay sa aking mga pumuputok na varicose veins. [Nakakahiya, ang puti-puti ko tapos may varicose?]

Bago pa ako nagpungko sa upuan ng dyip na ito. May nakamamangha akong naramdaman.



May isang nakaparadang mahabang dyip pagtawid na pagtawid ko ng pedestriyan leyn. Animo’y sundo ako ng isang limousin na may brand na Suzuki Multi-cab Multi-purpose. Limungon-lingon ako. Hindi ko ata dama ang awra ng dyip. [Sana’y kasi ako sa mga kalesa de kabayo o kaya naman ay maglebiteyt.]

Pero merong isang umeksenang dyip. Ito’y mas maliit sa nauna. At dahil gusto kong mapag-isa at hindi mapansin, sumakay na rin ako sa wakas. [E hinihitay na ako ng kausap ko.] Iyun pala ay isang pangitain. Talagang tinadhana akong makasakay sa dyip na iyon.

Pagtapak na pagtapak ko naramdaman ko ang kung ano mang bumabalot dito. Kakaiba. Makatindig-balahibo.

Nung una ay balisa pa ako. Nakatunganga. Animo’y isang baby bampirang kapapanganak pa lamang sa mundong ibabaw. Bigla na lang kung anong hinangin ako ng mga alikabok mula sa naggigitgitang mga dyipni. Tuloy, napalingon ako sa kung ano man ang nasa mga dingding ng dyip. [Para protektahan ang mga mata ko.]

Nawindang ako. Ngayon unti-unti nang namumulat ang mga mata ko mula sa mapanirang alikabok na pilit wasakin ang aking paningin.

Punong-puno ng mga Bible quotes at kung ano-anong tungkol sa Diyos ang nasabing multicab. Animo’y mismong nasa isang Bibliya ako nung mga oras na iyon.

“Be strong and take heart, all you who hope in the Lord.”

“God without Man is still God. Man without God is Nothing.”

“Nothing catches God’s attention. He cares for you.”

“The Word of God is our direction. Without it we lose our way.”

Yung ibang mga kataga e nagmistulang mga pamukaw-isip. Sira nga pala ang aking mga mata. Hindi ko na ito naaaninag ng maliwanag. Pero ramdam kong hulog ng langit ang kung ano mang naka-ukit sa mga istiker na iyon.

Nagpahinga ang dyipney. Nasa isa kaming stoplight.




Nabatid ko na sa gilid ng isang istiker na “Jesus loves You” ay may isang babaeng kung titingnan ay nasa kanyang mga kwarenta na. O di naman kaya ay dala ng kanyang pagkabilad sa araw o kung ano mang pinagtatatrabahuan niya. Marahil siya ay isang magsasaka sa malawak na mga palayan ng Davao del Norte. Balisang-balisa ito. At kung susuriin ay may problemang hindi mo maintidihan kung problema pa. Hindi ko maipinta ang kaniyang itsura. Bukod sa hindi ako isang pintor, talagang walang maestro ang susubok na idrowing ang kanyang imahe.

Tawag siya nang tawag. O marahil sapantaha ko lang yun. Pindot kasi siya ng pindot sa kanyang selpong batid mo ang kalumaan. Isang 3310 na pase awt na sa karamihan ng mga tindahan ng selpon. Karamihan sa mga ganitong modelo ay gamit ng mga kasambahay upang iteks si dodong.

“Unsang oras siya namatay?” - Anong oras siya namatay?

Narinig kong bulong niya. Ngunit dala na siguro ng pagkabigla niya, sapat na ito upang marinig ko ng malinaw. Hindi naman sa nakiki-usyoso akong bampirang walang alam kundi ang maki-alam sa kung anu-anong walang kinalaman sa kanya. Nasa pampubliko siyang dyipni. Kaya hindi mahirap na marinig ng kung sino mang tao ang kanyang mga wika. Pero sa wari ko ay itinakda ng Diyos na marinig ko siya sa hindi ko malamang dahilan.

Siya ay tila may kandong-kandong na kung ano sa kanyang mga nangingitim na kandungang animo’y pasang-pasa na sa kakakayod para sa pamilya. Sa aking nakita, ito’y dalawa. Dalawang pakete ng mga mumurahing biskwit na karaniwang kinakain ng mga taong kagaya niyang nagbabalat ng buto.

Isang skyflakes. Isang pulang pakete. Sapantaha ko ay isa itong Fita. Yaong may adbertisment na kung saan pwede kang humiling ng kahit ano. Hindi ko lang sigurado kung yaon din ang dahilan kung bakit pinanghahawakan niya ito na animo’y gintong buddha mula sa maalamat na Yamashita Treasure.

Ang iba niyang binibibig ay hindi ko na mabasa. Hindi ako dalubhasa sa dayalektong Bisaya de Davao. Mas sanay kasi ako sa Bisayang pinaghalong Tagalog o Tagbis. [Isang tawag na may derogatoryong gamit. Gamit ng mga traying hard managalog na mga nugnog na taga-Davao.]



Nangurus ako nang makatlong beses. Dumaan kasi ako sa Redemptorist Church. Ang simbahan kung saan ako kalimitang nagsisimba.

Batid ko kasing napapaligiran ako ng mga Protestante. Una, protestante ang drayber. [Sa aking tingin. E puno ng Bible kwots ang kanyang dinadrayb. At walang Rosaryong nakasabit sa salamin ng kanyang dyip.] Pangalawa, ang mga nasa harapan ko mistulang prawd na prawd magsalita ng kung ano anong tungkol sa kanilang sekta. Tungkol sa kanila pastor at sa kanilang mga kinakanta at sinasayaw.

Bakit ko naman ikahihiyang Katoliko ako? At bakit ko ikahihiya ang simbolo ng Krus ni Hesus na siyang sumakop sa mga kasalanang bumabalot sa sangsinukuban.

Hindi. Hinding hindi ko ito ikahihiya. [Kahit animo’y isa akong kriminal na tinititigan ng isa sa kanila. At para ngang meron pang binubulong sa katabi niya.]

Natapos din siya sa selpon. Siya rin namang pagtawag ng aking kausap. Marahil ay nayayamot na siya sa kanyang pinaggagagawang paglalakad sa mall. Sabi ko, “Oo na. Malapit na ako diyan. Nasa may unahan na ako ng Redemptorist.]



Nagbayad ang ale at nagbiling sa Quirino Abenida siya bababa. Naalala ko noong mga panahong naglalakwatsa ako, nandoon mismo ang Davao Doctor’s Hospital. O baka naman meron pang ibang ospital dun. Hindi maaring doon inilatag panandalian ang labi ng kung sino mang namatay. Pang mayaman dun. Sigurado akong meron pang ibang ospital dun.

Hanggang ngayon teks parin siya ng teks.

Balisang balisa. Nababatid kong naliligo na siya sa kanyang sariling pawis. O marahil dala ito ng kanyang pagkakaupo sa sulok na tutok na tutok sa sinag ng araw.

Halos nagkulay itim na ang kanyang suot na pulang t-shirt. Animo’y kakaahon lamang nito sa mga labada. Sigurado akong dala ito ng tinatawag nating Adrenaline Rush. Gaya ng naramdaman ko.

Pero may misteryo pa ring bumabalot sa babaeng ito. Gaya kaya ng parehas naming pakiramdam ng Adrenaline ang naglalaro sa kanyang mga isipang punong-puno na ng kung ano na lang klase ng problema at pagsubok na kaya ibigay ng Diyos.

Utang sa twisyon ni Junyor. Pambayad sa inutang na bigas, sardinas at noodles. Pambayad para sa namumulang bill ng kuryente at tubig.

O kaya naman ang karirinig ko lang sa kanyang mga bibig. Ang pagpanaw o pagkamatay ng kung sino man iyong tinanong niyang “anong oras siya namatay.” Sa isa lang aspeto ako sigurado. Mahal na mahal na mahal niya ito. At sa tingin ko, may pumatak na luha mula sa kanyang namumula na mata. Marahil hindi ko lang natiyempohan dahil ito’y pinunasan niya agad. Pero batid na batid ko ang pamumula ng kanyang mga mata.

Pati yaong kanina ay nagtsitsimisang mga Protestante, ay tumahimik na. Ngayon nama’y nakikiusyoso ng tahimik sa nangyayari sa babae. Naghihintay sa susunod na pagpatak ng luha at pati na rin marahil sa pagtagas ng pawis ng matanda.

Sa loob loob ko, namumuo ang maraming mga bagay-bagay. At nadarama kong sa mga segundong yun at pati na rin siguro sa mga minutong nagdaan, mistula kaming papet ng Diyos na hindi ko maintindihan kung ano ang dahilan. Mistula akong awdyens ng isang dulang ilang siglo nang hindi makuha-kuha ang buod ng obra maestra ng misteryosong buhay ng mga mortal.

“Bakit kaya hindi niya palaparin ang isipan ng kanyang mga matang nakakita na ng sobra sobra kung pagod at pagal ang pagbabasehan? Bakit hindi siya tumingin sa kanyang gilid?”






“Jesus Loves You”





[Base sa totoong istorya. Walang ano mang impormasyon ang kathang-isip o gawa-gawa. Ito ay nakatala sa Dracula’s Notebook. -Edward C. Culleng]

Diskleymer: Hindi pa na-eeditar.

Pambato ng Pamilya Culleng sa Nobel Prize o sa Palanca.




Francis Eduard, a member of 100% KATOLIKONG PINOY!, is the author of the blogs like The Fountain Pen and Edward Culleng

1 comment:

  1. Thanks for this wonderful contribution, Mr Culleng. It reveals your genius in making masterpieces out of ordinary instances.

    ^_^

    ReplyDelete